Thursday, October 2, 2008

Stepping out in Faith and Obedience (Tagalog)

Marcos 1 : 16-20

"Sa pagdaan ni Jesus sa tabi ng dagat ng Galilea , nakita niya sina Simon at ang kanyang kapatid na si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat , sapagkat sila'y mga mangingisda. At sinabi sa kanila ni Jesus , "Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao." Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nang makalakad pa siya ng kaunti , nakita niya sina Santiago, na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid na naghahayuma ng mga lambat sa kanilang bangka. Agad niyang tinawag sila at iniwan nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na kasama ng mga upahang tauhan at sumunod sa kanya."

Bago sila tinawag ni Jesus sa ministeryo , sina Pedro at ang kapatid niyang si Andres ay mga mangingisda. Sila ay nanghuhuli ng isda sa dagat. Ngunit nang sinabi ni Jesus , "Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao " , kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa Kanya. Ito ay malinaw na - paghakbang at pagsunod ng may pananampalataya. Hindi sila nagtanong - Bakit namin iiwan ang aming hanapbuhay? o Paano kami mabubuhay nang wala kaming mga trabaho? Nagtiwala sila sa taong tumawag sa kanila , kung kaya't sila ay sumunod. Basta't ang alam nila , hindi na sila manghuhuli ng isda , bagkus , sila ay manghuhuli na ng mga tao upang dalhin sa kaharian ng Diyos.

Sa panahon natin ngayon , ganito pa rin ang ginagawa ni Jesus. Tumatawag siya ng mga tao , anuman ang hanapbuhay o katayuan sa buhay upang hanapin at abutin ang mga nangawawala. Kagaya nina Simon at Andres , si Jesus ay naghahanap ng mga taong kusang loob na iiwanan ang kanilang hanapbuhay , upang abutin ang mga tao sa sanlibutan. Upang agawin ang kanilang mga kaluluwa mula sa apoy ng impiyerno at bigyan sila ng kaligtasan. Upang pagalingin ang mga maysakit at palayain ang mga nasa bisyo at kasalanan. Upang ipangaral ang Salita ng Diyos sa lahat ng nilalang , mahirap man o mayaman.. At sa pagganap nito , sila ay magtitiwala , na ang Diyos na tumawag sa kanila ang tutugon sa kanilang pangangailangan.

Nang makita naman ni Jesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo , na naghahayuma ng kanilang mga lambat , kagyat ding iniwan ng magkapatid ang kanilang ama at sumunod kay Jesus. Ipinapakita nito , na sa pagsunod kay Jesus , kinakilangang iwanan ang pamilya upang magampanan ang mataas na tawag at patutunguhan kay Cristo. Ang pagtalikod sa ating mga mahal sa buhay para magampanan ang tawag ng Diyos ay magkaminsan , siyang presyong babayaran upang mapaglingkuran siya ng walang hadlang at sagabal.

Mateo 10 : 37-38 - "Ang umiibig sa ama o sa ina ng higitn kaysa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o sa anak na babae nang higit kaysa akin ay hindi karapatdapat sa akin. ; at ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.'

Ang Salita ng Diyos ay malinaw na nagpapahayag - ang Diyos ang prayoridad ng ating buhay. Una Siya , bago ang trabaho , "career" o kabuhayan. Una Siya , bago ang mga mahal sa buhay o mga relasyon. Kung kaya't , kung sa buhay mo , ikaw ay tinatawag ng Diyos upang gawin ang isang bagay , humakbang ka ngayon ng may pananampalataya. Sumunod ka ngayon at huwag nang ipagpabukas pa.

Kagaya nina Simon Pedro at Andres , maaaring ikaw ay tinatawag ng Diyos sa full time ministry. Huwag kang matakot! Humakbang ka ng may pananampalataya! Ang Diyos ang magpapanatili sa iyo at tutugon sa lahat ng pangangailangan mo. O maaring , ikaw ay hinihingian ng Diyos na magbigay ng malaking halaga ng salapi upang makatulong sa ministeryo . Huwag kang matakot sumunod! Ang Diyos ang bahalang magbabalik sa iyo ng pagpapala , higit pa sa iyong inaasahan o inaasam.

Sa kabilang banda , maaring hindi ka naman tinatawag sa full time ministrty, ngunit , nais ng Diyos na ikaw ay gawing instrumento sa pagpapalaganap ng kaligtasan sa mga tao sa paligid mo na nangamamatay at nawawalan ng pag-asa. Huwag kang matakot! Sa iyong munting kakayanan , humakbang ka rin ng may pananampalataya at ibigay mo ang iyong sarili upang magamit na maging daan ng pagpapala para sa iba. Ihayag mo ang magandang balita ng kaligtasasn at pag-aibig ng Diyos. Maging instrumento ka ng kagalingan at himala . Gawin mong makabuluhan ang buhay mo. Gawin mo ang perpektong kalooban ng Diyos , saan ka man o kailanman , ayon sa iyong kakayanan. Saka mo lamang malalamang , ikaw ay ganap at tagumpay.

Mateo 10 : 39
" Ang nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito ; at ang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito."