Saturday, January 9, 2010

God is Good! God is Faithful! God answers Prayers!



Ito ang angkop na tema ng Kingdom of Jesus Fellowship Int'l. sa pagdiriwang nito ng ika- 20 anibersaryo noong ika-6 ng Disyembre sa Covered Court ng Quezon Memorial Circle , dakong alas - 2 ng hapon.

Napakaraming tao ang dumating. Mula sa iba't ibang lugar ay dumagsa ang mga taong nag i - expect ng dakilang bagay sa kanilang mga buhay. At tunay ngang hindi sila binigo ng Diyos. Naranasan nila ang kabutihan ng Diyos. Napatunayan nila ang katapatan ng Diyos at namalas nilang ang Diyos ay tumutugon sa mga panalangin.

Sa panimula ng gawain ay ang matagumpay na "celebration of praise" sa pangunguna ng mga anointed Praise and Worship ministers ng KOJF Int'l. Sa saliw ng mga papuri at pagsambang mga awitin ay inihayag ng lahat ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Tunay ngang sa bahagi pa lamang na ito ng gawain ay marami nang nahipo at napagpala ang buhay.

Bilang pagbabalik -tanaw , inihayag ang "church history" ng KOJF Int'l. Mula sa humble beginnings ng iglesya na nagsimula sa halos sampung katao , ito na ngayon ay lumago at nakakapagministeryo sa iba't-ibang bahagi ng bansang Pilipinas at sa buong daigdig.

Bahagi rin ng pagbabalik -tanaw ay ang pagkakahirang ng Diyos sa kanyang lingkod - Rev. Ricardo D. Carillo , mula sa pagiging ordinaryong manggagawa ng Panginoon bilang Bible Study leader at gitarista , ay pagkatiwalaan ng dakilang mandate , na dalhin ang bawat Kristiyano , ang bansang Pilipinas at ang buong daigdig sa kanyang mataas na pagkakatawag at tiyak na patutunguhan sa piling ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

Kaakibat ng dakilang misyong ito ay ang pagsugo niya sa kanyang lingkod sa ministeryo ng radio broadcast. Ang programang - "Ito ang Sabi ng Panginoon" ay inilunsad noong Hunyo , 1993. Mula noon , napakarami ng mga tao ang naligtas, gumaling at napagpala sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa programang ito.

Sa loob ng halos 20 taon , ang ministeryo ng Kingdom of Jesus Fellowship Int'l. sa pangunguna ng lingkod ng Diyos - Rev. Ricardo D. Carillo ay naging pagpapala sa "body of Christ". Ang lingkod ng Diyos ay nagsilbing spiritual father ng maraming pastor at iglesya. Ang kanyang mayaman at malalim na karanasan sa paglilingkod ay ibinahagi niya sa mga seminars at conventions na kanyang isinagawa. Bilang taga-pagsalita sa mga iba't ibang iglesya , evangelistic crusades , revival meetings at Values Formation seminars ng gobyerno , ibinahagi niya ang kanyang buhay , kaalaman at kakayanang duminig sa tinig ng Diyos sa marami kung kaya't naging instrumento siya ng kalakasan , inspirasyon at pagbibigay ng direksyon sa mga naghahanap nito.

Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng anibersaryo , iba't ibang natatanging bilang ang nasaksihan mula sa mga bata , kabataan at mga katandaan. Ang mga kapatiran mula sa mga outreaches ay naghandog din ng mga natatanging bilang.

Nguni't higit sa lahat , ang mensaheng inihayag ng lingkod ng Diyos ang tunay na nagpala sa lahat ng dumalo. Tunay nga na ang Salita ng Diyos ay napakamakapangyarihan. Sa mga taong tapat sa Diyos , higit Siyang tapat. Napakabuti ng Diyos upang hindi tumugon sa mga taong dumadalangin sa Kanya. Kung kaya't pagkatapos ng pangangaral ng Salita ng Diyos ay bumuhos ang napakalakas na presensya ng Panginoon. Nagbunga ito ng maraming himala at kagalingan. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga patotoo ng ilan sa napakaraming hinipo at pinagaling ng Panginoon :

Si Sis. Rosemarie ng Bgy. Silangan na na relocate sa Towerville , San Jose Del Monte , Bulacan bunga ng Bagyong Ondoy ay gumaling mula sa 3 taong pamamaga ng pantog at panlalabo ng mata.

Si Bro. Mateo Mamaradlo ay may prostate cancer. Pinagaling siya ng kapangyarihan ng Panginoon.

Si Carmencita Bondoc , 54 taong gulang na na taga - Camba , Arayat Pampanga ay namamanhid ang buong katawan. Nakaranas ng "instant healing" sa kanyang katawan.

Si Ofelia De la Cruz din ng Pampanga ay may pneumonia. Siya ay pinagaling ng Panginoon.

Si Rowena Dumapat ng Towerville , San Jose del Monte , Bulacan , ay nakakaranas ng pananakit ng mata. Nahihirapan siyang tumingin sa liwanag o may ilaw dahil humahapdi ang kanyang mga mata. Sa kapangyarihan ng Panginoon , siya ay gumaling.

Si Mary Roxas ay may sakit sa puso. Nang siya ay hipuin ng kapangyarihan ng Panginoon , nakaramdam siya ng kagaanan ng pakiramdam. Nawala ang kirot sa kanyang puso.

Tunay nga na ang Diyos ay mabuti. Ang Diyos ay tapat at siya ay tumutugon sa panalangin ng sinumang tumatawag sa Kanya!

Sa Diyos ang papuri , pasasalamat at walang hanggang kaluwalhatian!!!