I Corinto 4.2
"Ang katiwala ay dapat maging tapat sa kanyang panginoon."
Sa Genesis 39 , pinatunayan ni Jose ang kanyang katapatan. Sa kabila ng paulit-ulit na pang-aakit na ginagawa ng asawa ni Potifar , hindi niya ito pinag-ukulan ng pansin. Bagkus , siya ay nanatiling tapat sa kanyang panginoon. Si Jose ay isang taong mapagkakatiwalaan. Pinatunayan niya ito sa gitna ng tukso. Dahil sa katangiang ito , nakamit ni Jose ang "favor" ng Diyos. Naranasan niya ang promotion , kasaganaan at pagpapala ng Diyos.
Maging sa ating mga buhay , ang nais ng Diyos ay manatili tayong tapat sa lahat ng ating ginagawa , may nakatingin man o wala. Gampanan natin ang ating tungkulin ng tama. Kung ito'y ating gagawin , hindi tayo lilimutin ng Diyos. Higit pa sa ating inaasahan ay kaya niyang ibigay. Isa lamang ang hinihingi niya - ang tayo ay maging tapat upang tayo ay mapagkatiwalaan.
Mateo 28.19 , "Humayo kayo at ang lahat ng bansa ay gawin ninyong alagad ko".
Sa ating panahon ngayon , naghahanap ang Diyos ng mga taong handang magbigay ng buhay sa kanya at maglingkod. Sa 2 Corinto 5:18 , ibinigay sa atin ang ministeryo ng - pakikipagkakasundo. Ang mga Kristiyano ang kinatawan ni Kristo upang ipangaral ang Salita Niya. Nasa ating mga kamay ang tungkulin na ipagkasundo ang sanlibutang ito pabalik sa Diyos. At gagawin natin ang tungkuling ito sa lahat ng oras , napapanahon man o hindi. Inaasahan ng Diyos na sa tungkuling ito , tayo ay magiging tapat at mapagkakatiwalaan.
Tulad ng iniutos kay Ezekiel , tayo din ay ginawang tagapag bantay ng Diyos sa mga tao. Kung ang isang taong masama ay hindi nasabihan ng tungkol sa kanyang kasalanan at hindi niya tinanggap si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ng kanyang buhay , at siya ay inabutan ng kamatayan , sisingilin ng Diyos ang kanyang dugo sa ating mga kamay. Subalit , kung siya naman ay nasabihan , tumanggap sa Diyos at tumalikod sa kasalanan , hindi tayo mananagot sa dugo ng taong iyon.
Gamitin natin ang ating kakayahan , anuman ito , upang paglingkuran ang Panginoon. Gampanan natin ng may katapatan ang tunkuling iniatang Niya sa atin. Sa ganoon , tayo ay matatawag na mabuting katiwala. Alalahanin natin , ang napagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaki. Hindi natin kayang tawaran ang pagpapalang kayang ibigay ng Panginoon sa mga taong tapat at mabuting katiwala.