Noong April 23,2008 (Miyerkules) ay pumanaw ang aking ina. Inilibing siya noong April 28,2008(Lunes). Payapa naman ang kanyang pag-alis at parang natutulog lang.
Corazon Vacunawa Diaz ang tunay niyang pangalan at Nanay Cora kung siya ay tawagin. Nasa 78-82 yrs.old nang siya ay pumanaw. Hindi namin alam ng lubos kung ano ang edad niya. Ibinase na lamang namin sa edad ng mga kapatid niya. Si nanay ang panganay sa 10 magkakapatid, 5 lalaki at 5 babae.
Hinangad namin na humaba pa ang kanyang buhay at makasama pa namin siya ng matagal, ngunit hanggang doon na lang ang itinakda ng Diyos para sa kanya. Noong kapanahunan ni Enoch ang tao ay nabubuhay ng higit sa 900 taon (Gen.5.24-27). Ngunit si Enoch ay nabuhay lamang ng 365 taon. Kinuha na siya ng Diyos dahil nabuhay siyang Kasama ang Diyos. Ang buhay niya ay kinalugdan ng Diyos, kaya't hinangad ng Diyos na makasama na niya si Enoch sa langit magpakailan pa man.
Ang aking ina ay "babae ng Diyos". Nagmula sa kanya ang 3 Lingkod ng Diyos. Nagsilang siya ng 5 anak - 1 babae at 4 na lalaki. Ang bunsong babae (Cory) at ang Jr.(Federico) ng aking ama na pangalawa sa panganay ay namatay nang sila ay mga sanggol pa lamang. Maliliit pa rin kami ng mamatay ang aming ama noong 1964 sa edad na 32 taon , nang mabangga ang aming sasakyan.
Nagbabasa ng Bible at nananalangin ang nanay ko araw-araw. Truly, she was a Woman of the Bible and of Prayer. Mapanalanginin din siya kahit noong hindi pa siya born-again, danga't nga lamang ay sa maling diyos. Araw-araw siyang nagrorosaryo at hindi niya ito nakakaligtaan maging sa loob ng pampasaherong sasakyan. Maraming rebulto sa aming bahay at kung saan may naghihimalang inaaniban daw ni Hesus, ni NiƱo, ni Mary at iba pa. ay nagpupunta kami. Palagi rin siyang sumasangguni sa mga albularyo at mangtatawas. Ngunit , sa kabila ng kanyang pagiging relihiyosa, siya ay puno ng bisyo.Umiinom siya ng alak, naninigarilyo, nagsusugal, nagmumura at iba pa.
Nang tinanggap ko si Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ng buhay ko noong Oct 4, 1985, ay ibinahagi ko sa aking ina ang katotohanan. Walang atubiling tinanggap din niya si Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ng kanyang buhay. Nabago ang buhay niya. Naalis ang mga bisyo at masamang gawi. Nagsimula siyang sumamba at maglingkod sa Tunay na Diyos sa espiritu at katotohanan (Juan 4.24). Sa iisang Diyos na binubuo ng Ama , Anak at Banal na Espiritu. Dito na siya nagsimulang magbasa ng Bibliya at manalangin sa tunay na Diyos araw-araw . Palaging siyang nagdadala ng kaluluwa sa paanan ni Hesus. Maraming gumagaling sa panalangin niya. Ang gift of healings o kaloob ng pagpapagaling ay sumasakanya. Nang tawagin kaming magkakapatid ng Diyos sa fulltime ministry ay hindi siya humadlang. Bagkus , masaya siyang makita , na kami ay naglilingkod sa Diyos. Wala siyang tigil ng kapapanalangin para sa amin , sa aming pamilya at mga kamag-anak , sa churches , mga tagapanguna at mga tupa na pinagkatiwala sa amin ng Diyos. Wala rin siyang tigil ng pananalangin para sa lahat ng tao na nangangailangan ng kaligtasan at tulong ng Diyos.
Mami-miss namin at ng marami , ang aming ina. Nawalan kami ng great intercessor at encourager. Ngunit , tiyak na mas masaya siya ngayon sa piling ng Diyos. Mas pinili ng Diyos na makasama na ngayon ang aking ina sa piling niya sa langit, dahil ang aking ina ay "KINALUGDAN NG DIYOS at NABUHAY KASAMA ANG DIYOS."
Wala man ngayon ang aming ina sa aming piling , ang alaala niya ay mananatili sa amin at sa mga taong nahipo niya at napagpala ang buhay dahil sa kanya. Hindi siya mabibigo sa kanyang mga pangarap sa amin para sa Diyos. Mas lalo naming pagbubutihin ang paglilingkod sa Diyos. Mas lalo naming gagampanan ang tungkuling iniatang sa amin ng Diyos. Mas lalo kaming magdadala ng kaluluwa sa paanan ni Kristo ng higit kaysa dati, sa abot ng aming makakaya. Nawala man ang aming great intercessor at encourager dito sa lupa , ay nananatili pa rin ang aming "Greatest Intercessor & Encourager of all time", walang iba kung hindi ang ating Panginoon Hesus. Siya ang nagbigay sa amin ng buhay na walang hanggan (1Juan 5.13) ; ang pumili sa amin bilang mga tunay na Lingkod ng Diyos ; ang nagbigay ng Dakilang Pribelihiyo na Siya ay paglingkuran at gawin ang Kanyang kalooban. Ang Dakilang Bagay na sinimulan ng Diyos sa aming buhay ay tatapusin niya hanggang wakas (Filipios 1:6) . Tutuparin Niya ang lahat ng ipinangako niya sa amin higit pa sa aming iniisip at inaasahan.
Sa Diyos ang lahat ng - Pasasalamat, Kapurihan at Karangalan ...
magpakailan-kailan pa man...
Sa Pangalan ni Hesus , Amen!
Efeso 3.20
"Ngayon, sa kanya na makagagawa ng higit sa lahat ng ating hinihiling o iniisip, ayon sa kanyang kapangyarihang gumagawa sa atin."
1 Corinto 2.9
"...Hindi pa nakikita ng mata ni naririnig ng tainga, hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao, ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya."